top of page

Published in

5.png

Academic Frontiers

Materyal at Di-Materyal na Kasaysayan sa Panahon ng Battle of Surigao Strait: Batayan sa Pagbuo ng Kontekstwalisadong Pampagtuturo sa Baitang 7

Academic Frontiers, 2(5), 376-385, ISSN: 3082-4400, 2026.

Recommended Citation:

Narcana, C. T., & Bonotan, R. N. (2026). Materyal at Di-Materyal na Kasaysayan sa Panahon ng Battle of Surigao Strait: Batayan sa Pagbuo ng Kontekstwalisadong Pampagtuturo sa Baitang 7. Academic Frontiers, 2(5), 376–385. https://doi.org/10.5281/zenodo.20483298

Author(s)

Narcana, Christina T., Bonotan, Rinalyn N.

Abstract

Ang pag-aaral na ito na pinamagatang Materyal at Di-“Materyal na Kasaysayan sa Panahon ng Battle of Surigao Strait: Batayan sa Pagbuo ng Kontekstwalisadong Pampagtuturo sa Baitang 7”, ay isinagawa upang matukoy, masuri, at maipaliwanag ang mga materyal at di-materyal na kasaysayang nakapaloob sa Museyo ng Battle of Surigao Strait sa Punta Bilar, Lungsod ng Surigao. Layunin din nitong mabigyang-diin ang kahalagahan ng paggamit ng wikang Filipino sa pagsasalin at pagpapakahulugan ng mga katawagang pangkasaysayan upang higit na mapalalim ang pag-unawa ng mga mag-aaral sa lokal na kasaysayan, kultura, at identidad ng mga Surigaonon. Higit pa rito, layunin ng pag-aaral na makabuo ng kontekstwalisadong pampagtuturo na maaaring magamit sa pagtuturo ng Araling Panlipunan at Filipino sa Baitang 7 bilang tugon sa pangangailangang maiugnay ang lokal na kasaysayan sa proseso ng pagkatuto. Gumamit ang pag-aaral ng deskriptibo-analitikal na disenyo ng pananaliksik upang mailarawan at masuri ang mga impormasyong nakalap mula sa mga kalahok. Ang mga kalahok ay binubuo ng tagapamahala ng museyo, piling kawani, at piling bisita na may sapat na kaalaman hinggil sa mga eksibit at kasaysayan ng digmaan. Isinagawa ang pangangalap ng datos sa pamamagitan ng talatanungan, panayam, obserbasyon, at pagsusuri sa mga eksibit at dokumentong makikita sa Battle of Surigao Strait Museum. Sa pagsusuri ng datos, ginamit ang content analysis upang mabigyang-kahulugan ang mga natukoy na materyal at di-materyal na kasaysayan at ang kaugnayan ng mga ito sa pagbuo ng kontekstwalisadong kagamitang pampagtuturo. Natuklasan sa pag-aaral ang iba’t ibang anyo ng materyal na kasaysayan tulad ng mga armas, uniporme, larawan ng digmaan, bandila, kagamitang pandigma, relikya, at mga dokumentong pangkasaysayan na nagsisilbing konkretong patunay ng naganap na Battle of Surigao Strait. Samantala, kabilang naman sa mga natukoy na di-materyal na kasaysayan ang mga alaala ng digmaan, karanasan ng mga sundalo at mamamayan, pagpapahalaga sa bayan, disiplina, katapangan, pagkakaisa, at mga paniniwala na naipamana sa kasalukuyang henerasyon. Lumabas din sa pag-aaral na ang paggamit ng wikang Filipino sa pagpapaliwanag ng mga eksibit ay nakatutulong upang maging mas malinaw, makabuluhan, at madaling maunawaan ng mga mag-aaral at mamamayan ang lokal na kasaysayan at kulturang Surigaonon. Batay sa mga natuklasan, nabuo ang isang kontekstwalisadong pampagtuturo para sa Baitang 7 na nakatuon sa integrasyon ng lokal na kasaysayan at kulturang Surigaonon sa proseso ng pagkatuto. Inirerekomenda ng pag-aaral ang mas malawak na paggamit ng wikang Filipino sa mga museyo at institusyong pangkultura, gayundin ang integrasyon ng lokal na kasaysayan sa kurikulum upang mapalakas ang kamalayang pangkasaysayan, pagpapahalagang pangkultura, at pagmamahal sa sariling pamayanan at bansa.

Keywords

Materyal na kasaysayan, di-materyal na kasaysayan, Battle of Surigao Strait, kulturang Surigaonon, lokal na kasaysayan, museyo, kontekstwalisadong pampagtuturo, Baitang 7, wikang Filipino, kagamitang pampagtuturo, pamana ng kultura, kasaysayang lokal, Araling Panlipunan, content analysis, pagkatutong kontekstuwalisado

© 2024, Lakbay-Diwa Publishing,  All Rights Reserved

bottom of page