top of page

Published in

5.png

Academic Frontiers

Epekto ng Antas ng Paggamit ng Social Media sa Akademikong Pagganap ng mga Mag-aaral sa Ikasampung Baitang ng Usab High School

Academic Frontiers, 2(6), 380-393, ISSN: 3082-4400, 2026.

Recommended Citation:

Lupango, J. C. (2026). Epekto ng Antas ng Paggamit ng Social Media sa Akademikong Pagganap ng mga Mag-aaral sa Ikasampung Baitang ng Usab High School. Academic Frontiers, 2(6), 380–393. https://doi.org/10.5281/zenodo.21037818

Author(s)

Lupango, Jegie C.

Abstract

Sa makabagong panahon, naging mahalagang bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ng mga kabataan ang paggamit ng social media. Ang mga platapormang tulad ng Facebook, Messenger, TikTok, at YouTube ay hindi lamang nagsisilbing libangan kundi nagiging daluyan din ng impormasyon, komunikasyon, at pagkatuto. Dahil dito, malaki ang nagiging impluwensiya ng social media sa pag-uugali, pag-iisip, at akademikong gawain ng mga mag-aaral, lalo na sa antas sekundarya kung saan mas nagiging aktibo ang kanilang pakikisalamuha sa digital na mundo. Kaya kinakailangang maunawaan ang balanse sa pagitan ng positibo at negatibong epekto ng social media sa pagganap ng mga mag-aaral. Dahil dito, nilalayon ng pag-aaral na ito na matukoy ang epekto ng antas ng paggamit ng social media sa akademikong pagganap ng mga mag-aaral sa Ikasampung Baitang ng Usab High School. Gumamit ang mananaliksik ng deskriptibo-korelasyonal na pamamaraan ng pananaliksik. Ginamit din ang quota sampling bilang teknik sa pagpili ng mga respondente. Ang pangunahing instrumentong ginamit sa pag-aaral ay talatanungan. Upang masuri ang mga nakalap na datos, ginamit ang frequency count at bahagdan (percentage), gayundin ang tinimbang na mean (weighted mean). Samantala, ginamit naman ang Pearson r correlation upang matukoy ang lakas at direksyon ng ugnayan sa pagitan ng dalawang baryabol sa pag-aaral. Ipinapakita ng mga natuklasan sa pag-aaral, batay sa dalas at porsyento ng mga platapormang social media na ginagamit ng mga mag-aaral, na mas pinipili nila ang Facebook bilang pangunahing plataporma para sa komunikasyon at interaksyon. Lumalabas din na madalas gamitin ng mga mag-aaral ang social media sa kanilang pang-araw-araw na gawain. Gayunpaman, bagaman madalas silang gumagamit nito, hindi naman sila gumugugol ng labis na oras dito at nananatili pa rin ang kanilang kakayahang kontrolin ang paggamit nito. Ginagamit din ng mga mag-aaral ang social media hindi lamang para sa libangan kundi maging para sa komunikasyon at mga gawaing pang-akademiko. Batay naman sa antas ng akademikong pagganap ng mga mag-aaral, ipinapakita ng mga natuklasan na mayroon silang positibong akademikong pagganap at kumpiyansa sa kanilang kakayahan sa pag-aaral. Hindi rin nagiging hadlang ang paggamit ng social media sa kanilang mga marka. Aktibo rin silang nakikilahok sa klase, lalo na sa pakikinig at pagtatanong upang higit na maunawaan ang aralin. Bukod dito, responsable ang mga mag-aaral sa pagtupad ng kanilang mga gawain at may kakayahan silang pamahalaan ang kanilang oras nang maayos. Ipinahihiwatig din ng datos na may makabuluhang ugnayan ang antas ng paggamit ng social media at akademikong pagganap ng mga mag-aaral. Dagdag pa rito, bukas ang mga mag-aaral sa mga estratehiyang makatutulong sa wastong pamamahala ng paggamit ng social media, at kinikilala nila ang kahalagahan ng disiplina, time management, at gabay mula sa mga guro at magulang upang higit pang mapabuti ang kanilang akademikong pagganap. Batay sa mga natuklasan, iminumungkahi ng pag-aaral na ito na magtulungan ang mga guro, magulang, at paaralan sa paggabay sa mga mag-aaral tungo sa responsable at balanseng paggamit ng social media. Inirerekomenda ang pagpapatupad ng mga programang magpapalawak ng kamalayan hinggil sa digital responsibility, tamang pamamahala ng oras, at disiplina sa paggamit ng social media upang hindi ito makaapekto sa akademikong pagganap ng mga mag-aaral. Hinihikayat din ang paggamit ng mga estratehiya tulad ng screen time management plan, monitoring activities, at mga programang nakatuon sa aktibong partisipasyon sa klase upang mapanatili ang pokus ng mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral. Bukod dito, iminungkahi rin ang pagsasagawa ng mga seminar, orientation, mentoring sessions, at pakikilahok ng mga magulang upang higit na mapalakas ang wastong paggamit ng social media at mapabuti ang akademikong pagganap ng mga mag-aaral.

Keywords

Social Media, Akademikong Pagganap, Antas ng Paggamit, Mga Mag-aaral sa Ikasampung Baitang, Digital Responsibility, Time Management

© 2024, Lakbay-Diwa Publishing,  All Rights Reserved

bottom of page