top of page

Published in

5.png

Academic Frontiers

Epekto ng Digital Tools sa Face-To-Face na Komunikasyon sa Wikang Filipino ng mga Mag-aaral

Academic Frontiers, 2(9), 30-49, ISSN: 3082-4400, 2026.

Recommended Citation:

Piswec, D. B. (2026). Epekto ng Digital Tools sa Face-To-Face na Komunikasyon sa Wikang Filipino ng mga Mag-aaral. Academic Frontiers, 2(9), 30–49. https://doi.org/10.5281/zenodo.22854917

Author(s)

Piswec, Darlyn B.

Abstract

Ang pagtukoy sa epekto ng digital tools sa face-to-face na komunikasyon sa wikang Filipino ng mga mag-aaral ay isang paraan upang matiyak ang kalagayan ng komunikasyon sa wikang Filipino sa makabagong panahon. Layunin ng pananaliksik na ito na magsagawa ng pagsusuri sa epekto ng digital tools sa komunikasyon ng mga mag-aaral ng Senior High School sa Benguet National High School, at tuklasin kung paano nakaaapekto ang mga ito sa kanilang social skills, akademikong tagumpay, at pang-araw-araw na buhay. Naging daan din ito upang makapangalap ng mga mungkahi mula sa mga mag-aaral sa pagpapalakas ng paggamit ng wikang Filipino sa gitna ng patuloy na pag-usbong ng digital tools. Gumamit ang pag-aaral ng mixed-method at deskriptibong pagsusuri sa pag-unawa, pagtukoy, at pagbibigay-kahulugan sa mga nakalap na datos. Batay sa isinagawang pagsusuri, malaki ang naging epekto ng digital tools sa paraan ng komunikasyon at pagkatuto ng mga mag-aaral dahil 84% ng mga mag-aaral sa Senior High School ay gumagamit nito araw-araw. Napatunayan din na may parehong positibo at negatibong epekto ang paggamit ng digital tools sa face-to-face na komunikasyon sa wikang Filipino ng mga mag-aaral. Sa positibong aspeto, karamihan sa kanila ay nagsabing napapadali nito ang pagpapahayag ng ideya (212) at paghahanap ng impormasyon (210). Natuto rin sila ng mga bagong salita (166), napaunlad ang kasanayan sa wika (147), at lumawak ang bokabularyo (125). Sa kabilang banda, lumitaw rin ang ilang negatibong epekto. Pinakamarami ang nagsabing madalas silang gumagamit ng pinaikling salita o slang (172), nawawala ang koneksyon o empatiya sa kausap (129), at nakakalimutan ang tamang etika sa pakikipag-usap (122). Bukod pa rito, nahihirapan din ang ilan sa harapang usapan (116), at may mga nagsabing naapektuhan ang pormalidad, gramatika, at lalim ng pag-unawa sa wika. Kaugnay nito ay lumabas ang mga mungkahi upang mapalakas ang paggamit ng wikang Filipino sa gitna ng patuloy na pag-usbong ng digital tools tulad ng aktwal na paggamit, pagpapalakas sa wikang Filipino, paglinang sa malawak na literasiya, suporta at inisyatiba mula sa institusyon, kritikal na paggamit at limitasyon ng digital tools, at pagsasanay sa wastong gamit ng Filipino. Batay sa kinalabasan ng pag-aaral, nabuo ang sumusunod na kongklusyon: sa kadahilanang 84% ang gumagamit nito araw-araw, kailangang paunlarin ang integrasyon ng wikang Filipino sa digital tools sapagkat hindi na lamang ito opsyonal kundi isang mahalagang pangangailangan sa edukasyon at komunikasyon; isaalang-alang ang positibo at negatibong epekto ng paggamit ng digital tools upang magabayan ang tamang paggamit nito, mapakinabangan ang mga benepisyo, at maiwasan ang masasamang dulot sa edukasyon, komunikasyon, at pag-uugali; at isaalang-alang ang mungkahi ng mga mag-aaral sapagkat sila ang pangunahing gumagamit ng digital tools at may mahalagang pananaw sa epektibong paraan ng pagpapalaganap at paggamit ng wikang Filipino sa makabagong panahon. Batay sa kinalabasan at nabuong kongklusyon, iminumungkahi ang mga sumusunod: iminumungkahi na bumuo ng mga structured guidelines para sa responsableng paggamit ng digital tools sa loob ng klase at palawakin ang paggamit ng mga aplikasyon at platform na may pagsuporta sa wikang Filipino upang higit pang mapalawak ang Filipino digital presence; magpatupad ng mga training workshops para sa pormal na komunikasyon gamit ang Filipino, kabilang ang digital etiquette o netiquette, upang mapalakas ang kasanayan sa interpersonal na komunikasyon sa wikang Filipino; at bigyang-pansin ang mga suhestiyon ng mga mag-aaral sa pagpapalakas ng paggamit ng wikang Filipino sa gitna ng patuloy na pag-usbong ng digital tools at, kasabay nito, nararapat ang regular na literacy campaigns at pagsasanay sa mga guro upang maging huwaran sila sa tamang paggamit ng Filipino sa digital at harapang larangan.

Keywords

Digital Tools, Face-to-Face na Komunikasyon, Wikang Filipino, Mga Mag-aaral sa Senior High School, Akademikong Tagumpay

© 2024, Lakbay-Diwa Publishing,  All Rights Reserved

bottom of page